Pagsintang Bawal
Batid ko ang dapat gawin
Iwaksi ang mali at tama ang piliin
Subalit paano pipigilin
Ako'y alipin ng aking damdamin
Ramdam ko'y pag-ibig ngayon pa lang dumating
Parang isang batang na love at first sight man din
Sa kabila ng lahat kong pagsikil
Di maitago nag-uumalpas kong damdamin
Sana lang di na kita nakilala pa
At nasilayan ang maamo mong mukha
Sana'y di mo na tinapunan pa
Ng isang ngiting puno ng pagsinta
Upang sa gayon ako'y hindi nabahala
At hindi na muling umibig pa
Subali't maaaring ako'y manghinayang
Kung pag-ibig na wagas ay di naranasan
Kahit pa ito'y pagsintang bawal
Masarap damhin at buhay ay may kulay
Ngunit ano ang sasapitin
Ng isang pag-ibig na di dapat atin
Mabuti pang ito ay putulin
Habang ang tadhana'y kampi pa sa atin
poem by Rose de Ramar
Added by Poetry Lover
Comment! | Vote! | Copy!

No comments until now.