Sa Isip ng isang Sintu-sinto
Ako no'n ay nakatayo, sa isang tabi ng bangketa
Ang aking sasakyan na dyip, ay aking hinihintay pa
Nang isang batang gusgusin, sa tindahan ay lumapit
May binili, ang bayad ay dyario lamang na ginupit
Ako'y konting naintriga, nagtanong, di nakatiis
Lola, sino po ba iyon, yung batang nanglilimahid
Na ng kendi ay bumili, dyario't papel ang pambayad
Ako lang po'y nagtataka dahil ninyo ay tinanggap
Iyon, anak, ay si Intong, isang batang kulang-kulang
Sa tamang isip ay kapos, dahil kinulang sa buwan
Ngunit kahit na siya'y ganoon, nami'y kinagigiliwan
Pakibigay, pakidala, siya'y aming nauutusan
Sandaling ako'y natigilan, sa sarili'y naglilirip
Kahit sino, kahit ano, sa ibabaw ng daigdig
Maliit man o malaki, meron siyang kabuluhan
Na ng ating Panginoon, itinakda't ibinigay
May binatilyong dumating, perang papel ay pinunit
At saka itinapon d'on sa may kanal na malapit
Batang paslit ay gumanti, ng bote siya ay binato
Kahit hindi tinamaan, reresbak ang binatilyo
Huwag! Huwag Iho! Huwag mo sanang iyan ay gawin
Pagkat ang may kasalana'y walang iba't ikaw na rin
Ang pera niya, kahit dyario't ginupit lamang na papel
Sa isang katulad niya ay kayamanan kung ituring
poem by Pacific Hernandez
Added by Poetry Lover
Comment! | Vote! | Copy!

No comments until now.