Click in the field, then press CTRL+C to copy the HTML code
Laking Marikina, Part 2
Isang paraiso no'n ang Ilog Marikina
Daming binubuhay, daming umaasa
Malinis na tubig, siya'ng pinagkukunan,
Inumin sa banga, panligo sa tapayan
Tumana sa baybay, daming binubuhay
Palakaya sa tubig, iba't-iba ang paraan
Sa inyo ko'y babanggitin, anu-ano ang pangalan
BINGWIT
Ang Bingwit ay isang panghuli ng isda
Na may tangkay, pisi, pabigat at taga
Sa Ingles siya ay rod, hook, line and sinker
Bingwit or Fishing Rod, parehong may pain
Pain namin no'n ay hipon at bulate
Sari-saring isda ang nangahuhuli
Biya, hito, kanduli, minsa'y bakule
Bingwit ay di pare-pareho ang gamit
Merong sa tubig lang ay inilalawit
Merong hinihila matapos ihagis
Para ng isda ang pain ay mapansin
Akala niya'y buhay, agad sasagpangin
Ang tawag namin sa ganitong paraan
Ay di namimingwit, kundi nanggagalay
PATUKBA
Patukba ay parang bingwit na maliit
Maikli ang pisi, ang tangkay ay siit
Tangkay ay matulis para maitusok
Pag iniuumang na sa tabi ng ilog
Sa dulo ng tangkay doon nakalawit
Ang pising sa dulo, taga'y nakakabit
Kung ito'y iumang ay sa dakong hapon
Pain ay palaka, kuliglig o suhong
IIwang magdamag hanggang sa umaga
ang oras na dapat sila'y pandawin na
Ang paing sa tubig ay kakawag-kawag
Ng bulig o dalag gustong sinisiyab
Ang aking patukba'y tatlumpu ang bilang
Di marami, di kaunti, lang ay katamtaman
Sa bilang na ito, bawat pag-uumang
Ang dalag kong huli'y naglalaro sa siyam
Ang paing kuliglig saan kinukuha?
Sa ilalim ng yagit sa bukid/tumana
Ang suhong naman ay sa mga putikan
Sa tabi ng ilog, kahit na nga saan
Ang palaka naman ay sa mga lawa, Sa bukid, sa ilog at lugar na basa
KITANG
Ang kitang ay isang mahabang fishing line
Sa sukat na metro, haba'y isang daan
Tuwing dalawang metro ay may nakalawit
Na pisi at taga, ng isday pangbingwit
Haba ng pisi ay isa't kalahating dangkal
Na sa aming barrio'y Hapen ang pangalan
Sa fishing line naman, tawag ay Lawayan
Ang bilang ng taga'y 50 karaniwan
Kung ito'y iumang sa tubig ay lubog
Sa baybay o kaya'y sa gitna ng ilog
Para di maanod ay merong pabigat
Na batong tihaba, katamtamang sukat
Kung ito'y iumang, maghapo't magdamag
Hangga't merong huli, doon nakababad
Karaniwang pain ay bulate at hipon,
Hindi namimili, kung ano'ng mayroon
Ang nahuhuli ay hito, biya kanduli
Kung minsan ay palos kapag sinusuwerte
Tilapia at karpa'y hindi pa kasali
Nang dumating sila na ay dakong huli
SAPLAD
Ang Saplad ay sahig ng papag ang tulad
Na ang haba'y doble noong kanyang lapad
Sa Sapa o kaya'y sa Batis ng Ilog
Ito'y nakaharang, ang dulo'y pasubsob
May bahaging lubog, sagad sa ilalim
May bahaging litaw sa tubig at hangin
Sa flooring ng ilog, ito'y diagonal
Sa anggulong beinte at singkong baghagdan
May mababang dinding magkabilang tabi
Ang isdang mapadpad ay tiyak nang huli
Sa tulak ng agos, hindi makagalaw
Sa sahig ay sadsad, hindi makaigpaw
Nakangangang Saplad, magkabila'y habing
Na sa ibang bansa ay Weir kung tawagin
Ang layunin nito'y kiputan ang agos
Nang upang sa Saplad ang tuloy at pasok
Kasama ang mga isdang lumuluslos
SURO
Ang suro ay lambat, hugis tetrahedron
Ng apat na sulok siyempre ay mayroon
Ito'y nakatali sa tatsulok na frame,
kawayan o kahoy na sinalagunting
Sa dalawang dulo ng gunting na kahoy
Dulo ng Paripa'y nakakabit doon
Kabilaang dulo'y sulok na dalawa
Ang pangatlong sulok ay siyang 'manibela'
Doon hahawakan habang sinusuyod
Ang Digman o damong sa tubig ay lubog
Hipon, bulig, biya'y doon naiimpok
Sa sulok ng lambat, kung tawagi'y 'Pusod'
TAKILIS
Gamit sa Takilis ay anu-ano ba?
Kadena, Saha, Suro at wala nang iba
Tiniban ng saging, puputul-putulin
Sa habang 'sang metro, sobra'y huwag kulangin
ang mga upak ay paghihiwalayin
Sa lapad na half-inch, titilad-tilarin
Saka isusuot sa butas ng kadena
Distansiya'y salitan o otra sin otra
Parte ng kadena na mayroong saha
Dadalhin sa ilog do'n sa dakong gitna
Ng dalawang tao hila ang magkabilang
dulo ng kadena, magkabilang pampang
P'tungo sa malayong Surong nakaabang
Ang kadena'y lubog na yari sa bakal
Ang strips ng saha'y air-chambered at lutang
Ang katulad nito'y kurtinang tiwarik
Na sa river bottom doon nakasabit
Papuntang ibabaw, doon nakalawit
Ang 'kurtinang puti' habang umuusad
Isda'y natatakot, agad lumalayo
Palayo sa 'kurtina', palapit sa Suro
Dulo ng kadena'y doon magtatagpo
Sa harap ng naroon at abang na Suro
Isdang naitaboy ng Saha, natakot
Sa Pusod ng suro ay mapapasuot
DIAKOS
Ang Diakos at Takilis ay magkahambing
Ang pakay at layon, ang isda'y takutin
Kung ang Takilis ay sa ilalim ng tubig
Ang Diakos naman ay sa ibabaw ang gamit
Imbes na kadena't saha ang pangtakot
Ang gamit ay lubid at bunot ng niyog
Ang bunot ng niyog, tinitilad-tilad
'Sang dangkal ang haba, 'sang pulgada'ng lapad
Ang mahabang lubid ay saka lalagyan
Ng maraming buhol, isang piye ang pagitan
Sa butas ng buhol, doon isusuot
Ang mga tinilad na bunot ng niyog
Saka hihigpitan para di malaglag
Ang mga bunot na kwintas ang katulad
Ng dalawang tao, magkabilang pampang
Ang dulo ng lubid, nila'y hahawakan
'Lalagariin' nila ang ibabaw ng tubig
Habang sa lambat ay sila'y papalapit
Sa ingay ng Diakos, isday natatakot
Sa umang na lambat ay napapasuot
TALABOG AT SAGAP
Talabog ay mga sangang maliliit
Pinagputol-putol at saka binigkis
Sa habang isang metro't laking isang yakap
Sa gitna o tabing ilog ibabad
Ng Hipong Tagunton upang pagtaguan
Paglipas ng tatlong linggo o isang buwan
Ang mga Talabog, dapat nang mapandaw
Ng malaking Sagap, ito'y sasahudin
At mula sa tubig, ito'y hahanguin
Hipong nakasiksik, tiyak na kasama rin
Kapag 'sang dosenang talabog meron ka
Ulam tatlong araw, maaring meron na
Anu-ano ba ang nasok sa Talabog?
Hipon, gourami, bulig, kung minsan ay palos
Ang Sagap na gamit, ano ang ayos ba?
Big basket na walang tangkay, ang niya ay kapara
Mula sa kawaya'y niyari't nilala
BUMBON
Ang Bunbon ay tirahan ng mga isda
Na hindi natural, tao ang may gawa
Sa gitna ng ilog, doon nakababad
Do'n sa walang agos, meron ma'y banayad
Composition nito'y sari-saring sukal
Na mahahagilap sa kapaligiran
Sanga, siit, bato, palapa ng niyog
At kahit na anu-ano pang kuyagot
Sa paligid nito ay may mga tulos
Paglipas ng mga linggo't mga araw
Pag sa akala ay isda na'y may laman
Na nasa ilalim, do'n naninirahan
Ang bumbon, ng baklad ay papaligiran
Ang sukal sa loob na ay hahawanin
Nakulong na isda saka huhulihin
Ang bumbon ay hindi para lang sa baklad
Pinamamarilan din pag sa tabing tibag
O kaya'y tatabihan ng isang tiyakad
Kung saan ang hunter ay doon aakyat
At sa likod ng kanyang blind o camouflage
Kayang-kaya niyang makita't masipat
Ang dalag na hihinga, bago makatikap
Ang gamit ng Bumbon ay kasuklam-suklam
Pag ng dinamita'y pinapuputukan
Ang paraang ito na paghuli ng isda
Ay di nararapat, mali na pa'y lisya
PAMAMARIL
Pamamaril ng isda ay maaring gawin
Sa pamamagitan ng baril na de hangin
O ng de pulbura, low or high caliber
At saan ba ito puwedeng isagawa
Maaring sa ilog, sa look o sapa
Any body of water na mayroong isda
Nang ang tilapia ay di pa dumadating
Palagi nang dalag ang siyang nababaril
Para ang hunter ay di kita ng isda
Ng camouflage or blind, siya ay gumagawa
Sa tibag, sa puno, siya ay pumupuwesto
Minsan ay sa tiyakad na ang paa'y tatlo
Ang dalag kahit na hindi tamaan mo
Ng dahil sa shockwave siya ay nahihilo
Bago magkamalay dapat damputin na
Kung lalim ang tubig ay sisisirin pa
Mayro'ng disadvantage, ang resulta'y pasma
Kay tagal na bilad, biglang lulublob pa
PAGLILIMAS
Ang paglilimas ay saan ginagawa
Sa mga bukirin, sa kanal o lawa
Sa katag-arawan, maaring sa sapa
Na putol-putol na at agos na'y wala
Kung ang paglilimas, sa kanal gagawin
Sa tamang sukat ay hahati-hatiin
Sa pamamagitan ng dam o pilapil
Na yari sa damo, lupa kaya'y putik
Saka isasaboy palabas ang tubig
Madalas na gamit, balde, pala't timba
Pag tubig ay nasaid, lilitaw ay isda
BUBO AT BALISASA
Ang Bubo ay isa pang uri ng umang
Na sa tabing ilog, do'n inilalagay
Sumusubang hipon ay inaabangan
Maliliit na version, nasa gitnang ilog
Babaw man o lalim, doon nakalubog
Ng Hipong Tagunton para 'to'y pasukin
May inihaw na niyog na pinaka-pain
Ang malaking version, yari sa kawayan
Mga lalang umikot sa kawayang tadyang
Kung ano ang lala ay siya na ring agkay
Sa gilid ng sapa/ilog ilalagay
Ng kaprasong habing, sa bungad lalagyan
ng hipong papasok ay di maliligaw
Ang Bubo na aking nakita't inabot
Maluwang ang bungad, katawan ay bilog
Ang dulo ay payat, talagang makipot
Naroon ang takip, doon ilalabas
Ang hipong napasok, huli sa magdamag
Dumating si Kano noong Second World War
Naiba ang gamit, nylon na at messwire
Sa kawayang tadyang at alambreng Agkay
Doon ibabalot, ang loob ay guwang
Mayroon ding Galaw, papunta sa Hoyo
It is shaped like a cone, sa Tagalog-Kono
Bubo't Balisasa, sila'y pareho lang
Yari man sa nylon o kaya'y kawayan
Pareho ang mithi, pareho ang nasa
Panghuli ng Hipon, panghuli ng Isda isda
Na tulad ng hito, dalag, bulig, biya
BALASING
Gamit sa Balasing ay anu-ano ba
Bulate at saka buto ng Kamaisa
Na lalong kilala sa tawag na Tuba
Muna'y isasangag ang hinog na buto
Hanggang maging kulay na kapeng barako
Saka didikdikin ng pino na pino
At sa bulate ay ihahalo ito
Ang bulateng parang may budbod na kape
Ay kulay ispageting ang sauce ay tsoklate
Sa lawa o ilog ibubudbod ito
Ang isdang kumain, tiyak na mahihilo
PAKATI O PAIWAS TUBIG
Kung saan mayroong 'magkasangang' ilog
Mababaw na batis, na may konting agos
Ang paiwas tubig ay do'n ginagawa
Medyo naiibang paghuli ng isda
Ang isang branch ng ilog nami'y tatambakan
Ng siit, ng sanga ng mga halaman
Ng yagit, talahib, kahit anong sukal
Na tulad ng bato't dulo ng kawayan
Magsisilbi itong ng isda'y subsuban
Paglipas ng mga linggo o ‘sang buwan
Ang artificial habitat ay meron nang laman
Ang ulo ng batis na ay haharangan
Ng pilapil na buhangin, a temporary dam
To divert waterflow to the other river branch
Habang ang fish haven ay kumakati't natutuyo
Ang debris na naroon sa isang tabi'y hinahango
Ang naroo't naiiwan, mga isda na na-strand
Hipon, bulig, biya, ayungin at talibantan
TUBLANG
Ang tanging isda na aming tinutublang
Ay palos na nasa lungga niyang taguan
Ang entrance ng lungga ay aming lalagyan
Ng lambat o dala, kahit anong umang
Ang 'bahay' ng palos ay aming gagawan
Ng butas na aming siyang paglulusutan
Ng tubo kung saan ang lason ay ibubuhos
Para mahilo at matakot ang palos
At paglabas niya'y sa lambat susuot
Ang lason na gamit nami'y walang iba
Katas ng tabakong binayo't piniga
PAPUPOG
Ang Pagpapapupog ay paghuli ng isda
Tanging sa Kanduli lamang ginagawa
Gamit o implement ay di na kelangan
Sapat nang gamitin ay ang mga kamay
Ibabaw ng tubig ay kinakambugan
Para magawa ang malakas na ingay
Pero mas magaling kung merong lambanog
Na sa tubig ay siyang ipangkakalambog
Ang mga kanduli ay nangakatakot
Sa graba o buhangin sila ay susubsob
Nakatago ang ulo, tiwarik ang buntot
Isa-isa sila'y dadamputin na lang
Pero sa pagdamplot ikaw ay kuwidaw
At baka matusok ang iyong mga kamay
Ang tamang paghuli ay paano baga
Ganito ‘yon ‘bigan, sana'y makinig ka
Sa palad isuklo ang bunguang ulo niya
Sa tibo niya'y dalawang daliri ang iangkla
SUMANGA
Sumanga ay basket, malalim, mahaba
Na konting masinsin at pino ang lala
Bunganga ay oval, bitbitan ay wala
Sa tubig na babaw ito'y ibababa
Hindi nakatayo kundi nakahiga
Bunganga ay harap sa bunton ng bato
Na singlaki ng tuhod o kaya'y kamao
Ng dalawang binti ito'y ipit-ipit
Habang papaloob, bato'y kinakabig
Ng pangkahig na gawa mula sa kawayan
Ang haba ay isa't kalahating dangkal
At ang lapad nama'y kalahati lamang
Kasama ng batong napasok sa loob
Ay ang mga isdang doo'y nakasubsob
Matapos ang mga isda ay makuha
Ang bato sa loob ay itatapon na
Kadalasang huli ay anu-ano ba
Bulig, hipon, biya't marami pang iba
PANGLOOB
Pangloob ay naiibang uri ng fishtrap
Di puwedeng tanggalin, di puwedwng ilipat
Pagkat iyo'y built in sa tabi ng tibag
Isang cubic chamber na inukit doon
Sa entrance sa harap naroon ang trapdoor
Sa loob ang trigger na magpapabagsak
Sa trapdoor pag trigger ay nasaling ng dalag
JACKPOT
Ang Jackpot ay lambat, panghuli ng isda
Na mayroong poste sa dulo't kabila
Eighteen by eighteen inches, karaniwang sukat
At net ng volleyball ang niya ay katulad
Pilapil sa bukid ay mayroong pukas
Daanan ng tubig, Butasan ang tawag
Pag tubig sa pitak ay gustong isalin
sa kabilang pitak, dito padadaanin
Ang Jackpot ay dito naakma't dapat
Nakatusok sa pilapil, naroon magdamag
Ang sinasahod ay bulig saka dalag
Gustong kumabila, kaya lumulundag
KURAG
Kurag ay lambat na panghuli ng ibon
Na iniuumang kung saan may balong,
may bukal, saluysoy, tubig na nadaloy
Kami'y gumagawa ng sapa-sapaan
Kung saan ang ibon puwedeng magtampisaw
Maligo't uminom kapag nauuhaw
Lalo na at tirik, mainit ang araw
Magkabilang panig ng sapa-sapaan
Para makaakit, may budbod na palay
Meron pa ring pain, pangati o decoy
Upang makatawag ng kapuwa ibon
Ang aming pangati, kadalasa'y maya,
Mayang paking, bulik o kaya ay pula
Nakakahuli rin ng mayang simbahan,
Ng luklak, ng tikling-katigan o kilayan
At ng ibang ibong doo'y mapadaan
Ang kurag ay parang pahina ng aklat
Magkalayo sila pero nakabukas
Na biglang sasaklob at biglang iigkas
Kapag ang pamitik ay iyong binatak
Ang palay na pain, ang sapa-sapaan
At mga IBONG DAYO ay masasakluban
Kurag operator ay ba't di nakikita
Sa blind o camouflage, nakatago siya
KAMATAYAN NG ISANG ILOG
Simula pa noong aking kamusmusan
Ang ilog sa amin sa akin napamahal
Malaking bahagi ng kabataan ko
Ay dito nagugol hanggang maging tao
Malinaw ang tubig sa batis at layon
Sarap magtampisaw, kay sarap lumangoy
Sa kanyang agos ay nagpapati-anod
Sa uli-uli niya ay nagpapahigop
Sa alimbukay na pumapaibabaw
Mula sa ilalim masarap sumakay
Siya ay cornucopia ng likas na yaman
Ng isda sa tubig, halaman sa baybay
Sa kanyang aplaya'y kay inam mamasyal
Lunas sa isip na nagulumihanan
Ang singaw ng tubig at simoy ng hangin
Ng may karamdaman, mabuting langhapin
At do'n sa malalim, nasa dakong gitna
Ang mga tao ay nagsisipamangka
Ang gamit ay sagwan o mahabang tikin
Mayro'ng namimingwit, mayro'ng namamansing
Sa balsang kawayan o tiniban ng saging
Ilog na piknikan ng napakarami
Nilang kakainin di na binibili
Magdadala lamang ng posporo, bigas,
asin at lutuan, ayos na ang lahat
Di na kailangan ang mamalakaya
Mangangapa lamang, ay merong ulam na
Hipon, bulig, biya, kasama nang tulya,
Di ka kakapusin, meron nang gulay pa
Gulay na nagkalat lamang sa baybayin
O gulay na galing sa tubig na lalim
Ito'y Kalabuwa, katulad ay pechay
Na sa kamatis ay masarap isigang
At sa kalaliman kay daming halaman
Kasama ng lumot, at sintas-sintasan
Digman at iba pa na gustong taguan
Ng Hipon, at biya, saka talibantan
Yaong aming ilog ay siya ring tahanan
Ng sulib, ng kuhol, ng susong tibagwang
Masarap ipangat, masarap subukan
Na pag ginataa'y lalong malinamnam
Ang hipong tagunton huli sa talabog
Masarap na pritong muna'y hinalabos
Ang higanteng hipon, kung tawagi'y ulang
Masarap iprito, isigang, iihaw
Sa katag-arawan ay maraming gamit
Ang mangingisda na dapat lang mabanggit
Ilan lang ang suro at saka takilis
Ang pagpapakati o paiwas-tubig
Talabog at sagap ay uso rin naman
Kitang at patukbang palubog o lutang
Pati na sumanga at bingwit o galay
Baklad na Bakikong, ito'y ubod galing
Ang anumang isda ay kayang hulihin
At kapag ang isda'y napasok sa hoyo
Ulam na at 'comestibles segurados'
Gamit ay tabakong kinatas, niluray
Ang palos sa lungga din ay tinutublang
Na kapag nahuli'y di matuturingan
Isang delicacy, di mapepresyuhan
Sa lumot at digman maraming birabid
Sa taga-Ilocos ay isang favorite
Nariyan din naman ang susong pilipit
Na iba ang lasa, merong konting pait
At kapag tag-ulan, isda'y sumusuba
Nakaabang na ang bubo't balisasa
Pag magtatag-araw Isda'y lumuluslos
Ang saplad naman ang handa't nakasahod
Sa tabi ng saplad likas na may kubo
Laging umuusok, laging okupado
Ng mangingisda at mga piknikero
Barrio ay masaya pag naman bumaha
Tao'y nanonood ng flotsam o dagsa
Na nagkakaanod patungong ibaba
Siyempre mananagip hindi mawawala
Nasagip na troso'y magaling na kahoy
Panggatong na libre hanggang buong taon
Sa madaling sabi isang paraiso
Ang pinakamamahal kong ilog na ito
Ngunit ano'ng nangyari, ba't nagkaganito
Ang ilog na atin, may sakit, matamlay
At parang hindi na siya pa'y mabubuhay
Patuloy na agos nawala sa kanya
Lawang putol-putol na lang ang natira
Ang isda niya dati ay maraming uri
Ngayo'y janitor fish lang ang naghahari
Gano'n din naman ang kanyang tributaries
Sa kamay ng tao yun din ang sinapit
Ang ilog na dati'y kinasisiyahan
Ngayon ay isa na lang na basurahan
Naglutang ang plastic, karton, mga papel
At bote at lata naman sa ilalim
Parang mga ito ay hindi pa sapat
Nadadagdagan pa ng animal carcass
At kapag tag-ulan siya ay dambuhala
Mga pag-aari ay napipinsala
Buhay nakikikitil pag siya'y nanalasa
Ang may kasalanan ay sino pa kaya
Sila'y walang iba kundi tao na rin
Na pangsarili lang ang naging hangarin
Di pinag-ingatan ang kapaligiran
Na sila rin naman ang nakikinabang
Tinibag ang bundok, inubos ang gubat
Na sana'y naroon at watershed dapat
Sa moisture at tubig, sana ay hahawak
Kugon ay ginanot, talahib tinabas
Na kundi sinunog, inani ng sagad
Resultang erosion, sanhi ng landslides
Maraming species ang nangakalagas
Walang matirahan, they've lost their habitat
Paano pang ilog nati'y mabubuhay
Kung ang tributaries niya na'y mga kanal
Na dati'y linaw na tubig ang nadaloy
Ngayon ay maitim, may kasamang lason
poem
by
Pacific Hernandez
solid border
dashed border
dotted border
double border
groove border
ridge border
inset border
outset border
no border
blue
green
red
purple
cyan
gold
silver
black